08/08/2025
“Bago ka naging isang magulang, anak ka muna.”
Dati, ikaw ‘yung batang tahimik lang sa isang sulok. Pinagmamasdan ang mga magulang na madalas magtalo. Nagtatanong sa sarili kung kailan sila magiging masaya. Kung kailan magiging buo ulit ang pamilya. Kung kailan mararamdaman ang totoong tahanan.
Dumaan ka rin sa yugto ng pag-asa. Na baka bukas, ayos na ulit sila. Na baka kapag naging mas “mabait” ka, hindi na sila mag-aaway. Na baka… kung mas tahimik ka, hindi na siya aalis.
Pero hindi lahat ng dasal ng bata ay natutupad.
Ngayon, ikaw na ang nasa posisyon. Ikaw na ang magulang. Ikaw na ang may hawak ng desisyon kung anong klase ng buhay at pamilya ang ipapamana mo sa anak mo.
Kaya sana, maalala mo ‘yung batang ikaw.
Sana maalala mo kung gaano kasakit kapag hindi ka pinipiling unahin. Kapag ang sigawan at tampuhan ang naging tunog ng tahanan. Kapag ‘yung dapat tahanan — naging dahilan ng luha.
Sana, ngayong nasa’yo na ang pagkakataon… baguhin mo ang kwento.
Hindi man perpekto ang relasyon, hindi man laging madali ang pagiging magulang, pero lagi kang may choice: ang maging mas mabuting ina o ama kaysa sa naranasan mo.
Hindi mo kailangang ibigay lahat ng luho — sapat na ‘yung pagmamahal na buo. ‘Yung respeto, ‘yung presensya, ‘yung effort na manatili at lumaban para sa pamilya mo.
Wag mong iparanas sa anak mo ang sakit ng pagiging bahagi ng isang wasak na tahanan — lalo na kung alam mong ikaw mismo ay nasaktan noon sa ganon ding karanasan.
Kasi totoo ‘to:
Minsan, hindi lang tayo nagpapalaki ng anak. Binibigyan natin sila ng pagkabata na sana tayo rin noon ay meron.